
Ano ang sasabihin ko sa kaibigang depressed?
Mas mahalaga ang pagdamay kaysa sa perpektong salita. Makinig, samahan siya, at kumustahin ulit. Ito ang nakakatulong, at ang dapat iwasan.
Ano ang puwede mong sabihin
- “Napansin kong parang malungkot ka nitong mga nakaraang araw. Kumusta ka talaga?”
- “Nandito lang ako. Gusto mo bang mag-usap, o samahan lang kita?”
- “Dahan-dahan lang. Nakikinig ako.”
- “May maitutulong ba ako ngayon, gaya ng pagkain o hatid?”
- “Makakatulong kaya kung makipag-usap ka sa counselor? Tutulungan kitang maghanap.”
Pagkatapos, mas makinig kaysa magsalita. Puwede mong sabihing "Ang hirap niyan" nang hindi agad nagbibigay ng solusyon.
Ano ang dapat iwasan
- "Kulang ka lang sa dasal." Nakakatulong ang dasal, pero sa mga salitang ito, parang sinisisi ang tao sa nararamdaman niya.
- "Think positive" o "Kaya mo yan, ngiti lang." Hindi pinipili ang depression.
- "Mas malala pa ang iba." Parang sinasabing wala siyang karapatang mahirapan.
- Maraming payo agad. Makinig muna, at magtanong bago magmungkahi.
Kung sinasabi niyang ayaw na niyang mabuhay
Tanungin siya nang diretso: "Iniisip mo bang tapusin ang buhay mo?" Hindi nito naitatanim ang ideya sa isip niya. Ipinapakita nitong handa kang makinig.
Samahan siya, o siguraduhing may kasama siya. Sabay kayong tumawag sa NCMH Crisis Hotline: 1553, bukas 24/7. Kung nasa panganib siya ngayon, tumawag sa 911.
Patuloy na kumustahin
Malaking bagay ang isang message pagkalipas ng ilang araw, gaya ng "Naiisip kita. Kape tayo this week?" Imbitahan pa rin siya kahit tumatanggi siya.
Mabigat din ang pagtulong sa iba. Makipag-usap ka rin sa isang tao: may e-coach na puwedeng makinig sa iyo sa Messenger, nang libre.
Mga madalas itanong
Dapat ko bang tanungin ang kaibigan ko kung iniisip niyang magpakamatay?
Oo. Hindi naitatanim ang ideya kapag tinanong mo siya nang diretso at mahinahon, at puwedeng gumaan ang loob niya na makapagsalita. Kung oo ang sagot, samahan siya at tumawag sa NCMH Crisis Hotline sa 1553.
Ano ang susunod?
Basahin din: Depressed ako Wala akong kausap
Mga pinagkunan: WHO: Suicide; WHO: Depressive disorder (depression)